Nakapagtataka...
Akala ko hindi na ako magkakaroon. Akala ko pangteenager lang. Akala ko...lahat ng pag-aakala ko ay tama. Pero hindi pala
Isang Araw, naisipan kong pumunta sa pinsan kong si Tony sa Fairview. Bihira lang ako pumunta doon, pag may kailangan lang o 'pag trip ko maghanap ng problema. Mula dito sa Rotonda, sasakay ako ng jeep at tricycle para makarating doon kung saan dati kong tinirhan noong bata pa ako. Tumira ako kasama ang mga kamag-anak ko at pinsan. Pero badtrip ako doon, badtrip ako sa mga kamag-anak kong pareho-pareho ang ugali. Mga Terror. Yung isa kong tiyuhin, tinitirador ako sa tuwing aakyat ako ng puno para kumuha ng alatiris/aratilis? Lahat sila ayaw ko, peste sila sa buhay ko. Lahat sila sinumpa ko maging tigyawat, para pwedeng tirisin at matanggal na. Para hindi na hadlang sa sa mga gusto kong gawin.
Pero tulad nga ng tigyawat, kukulit-kulitin nito ang buhay mo. Bwi-bwisitin ka nito araw-araw. Dadami, puputok, at mag-iiwan ng bakas. Hanggang sa mapansin mo na lang na sinisira na nito ang pagmumukha mo, na kahit pahiran mo pa ng lipstick, colgate, ointment o ketsup, ay hindi ito madaling matanggal. Mas lalong marami, mas lalong nakakainis. Ganyan ang mga kamag-anak ko.
Pansamantalang iniwan muna kaming magkapatid ng nanay namin sa kanila dahil mangingibang bansa ito upang magtrabaho. Habang ang tatay naman namin ay tuloy lang sa kanyang collectibles ng asawa. Lahat na yata ng kulay meron na siya. Kaya hindi na ako nagtatanong kung kanino ako nagmana.
Sa una, maganda ang pakikitungo ng mga kamag-anak namin. Pero paglabas ng pinto ng nanay ko ay pinaglaba at pinaglinis na ako ng buong bahay, ayos welcome na welcome ako. At hindi pa yun ang nakakainis, dahil ako lang ang inalila nila. Samantalang sa ate ko ay asikasong-asikaso sila, buhay prinsesa. Eto namang beeyotch kong ate, enjoy na enjoy sa pandidila at pangaasar sa akin. Hindi ako makaimik dahil marami siyang bantay, kaya tinatadtad ko na lang siya ng mura sa isip.
Ang pinsan ko lang na si Tony ang naging kasundo ko sa bahay na iyon. Siya na rin ang tulay ko para gulpihin ang hinayupak kong ate nang makaganti rin kahit papaano.
Mabait lang ang mga kamag-anak ko 'pag may padalang pera at package ang nanay ko. Panandalian lang yun. Kapag wala na ang pinadala, mainit na ulit ang mata nila sa akin. Konting pagkakamali lang ay hahambalusin na ako ng nakakamatay na ting-ting, sasabayan pa ng mura at mga sermon na nakakadurog ng pagkatao tulad ng "Leche","Umayos ka nga","Kaylan ka ba matuto?"
Dati naisipan kong ipabantay bata sila, pero mas minabuti ko na lang ang maglayas kaysa ma-interview. Baka malaman lang kasi nila na OA lang ako at pauso ng emo. Kinagabihan, nag-impake na ako. Gamit ang isang bagpack, nilagay ko na lahat ng importante na kailangan dalhin sa paglalayas. Mga laruan.
Madaling araw pa lang, hindi ko na hinintay sumikat ang araw. Nilisan ko na ang tahanang iyon na nagdulot sa akin ng labis na pasakit. Sa pagliwanag ng haring araw, matatagpuan ko na lang ang aking sarili na palaboy-laboy sa lansangan. Namamalimos ng kaunting barya upang mairahos ang gutom at pagkauhaw. Makikipagsapalaran sa mainit at mataong lugar. Hindi alam ang kahahantungan mula sa mga nagbabadyang panganib sa paligid, krimen at aksidente. Pinagmamasdan ko ang aking mga paa, ang bawat hakbang at yapak ang nagsisilbing gabay para... bumalik na lang sa bahay dahil nawagdu ako sa mga naimagine ko. Putcha papaalipin na lang ako, kahit kumain pa ako ng pedigree basta wag lang maging pulube!!
Makaraan ang ilang buwan pagkatapos ng backup sa paglalayas, tumawag ang Lola ko sa bahay para sabihin na siya na lang ang kukopkop sa amin dahil alam niya daw ang kalagayan namin. Sobrang saya ko sa natanggap na balita! Sa wakas makakaalis na ako sa impyernong bahay na yon. Dapat maiwan na lang yung ate ko tutal magkakasing-itim naman sila ng budhi ng mga pucharages na mga yon bukod kay Tony.
Nakagayak na kaming umalis, nagpaalam na kami sa mga kamag-anak (pakshits) na nagkalinga (naglapastangan) at nag-aruga (nagtorture ng ting-ting) sa amin ng panandalian. Sa huling pagkakataon, Tumingin ako sa mga mukha nila, malungkot sila sa pag-alis namin. Alam ko kung bakit. Dahil wala na silang matatanggap na pera at package mula sa nanay ko.
Hanggang sa makatapos at magkatrabaho, dun na kami tumira sa Lola ko. Namayapa na siya. Pero kompleto naman kaming pamilya. Ako, si nanay, si tatay, and the collectibles.
ay muntik ko makalimutan yung @#$^&*^#% kong ate.
Ang dahilan ng pagpunta ko ulit sa Fairview ay para hiramin kay Tony ang SuperWonderCream na pantanggal ng pimple. Dahil may tanginayawat ako sa ilong ngayon, sinlaki ng alatiris/aratilis?
4 comments:
ahaha.. ang bait mo palang kapatid.
buti na lang hindi tayo magkapareho ng magulang.
at kwentuhan mo pa kami tungkol kay Tony.
mukhang maganda ang pinagsamahan niyo ah.
anu bang kulay ng tagihawat mong parang aratilis, yung mapula na o yung yelogrin pa lang
epektibo ba ang uperwondercream?
yung tigyawat ko naging aratilis na bulok nung nilagyan ko nung SWcream, kaya hndi siya epektib. badtrip.
Post a Comment